Heto ang tulang pasalaysay na ginawa ng group namin for Filipino :D!
HIKBI NG MGA PAHINA
Ano ang sinapit? Kawalan ng rikit!
Sa kapara’y ipit, sinala sa init.
Ito’y siyang hantungan, animo’y hurnuhan
Sa mga aklat na tila alamat na lamang.
Hiling ng nasadlak ay balikan ang lipas,
Sumagwan laban sa agos ng tadhana,
Bumalik sa diyos na nagbigay-buhay,
Bumalik sa among tunay na nagmahal.
Ako’y isang gabing walang buwan ni bituin.
Isip ng lumikha siyang tala sa dilim.
Kamay ang daan sa pagsalin ng buhay.
Tinta at panitik siyang naging patunay.
Sa kanyang tabi, ako ay naging tangi,
Namumukod sa baul ng yama’t salapi.
Hiniling sa langit na ako’y pakinggan.
Nawa’y manatili nang magpakailanman.
Bakit di tinupad yaring panalangin?
Ito’y isang bangungot, sana’y magising!
O panginoon, bakit ako’y nilisan,
At pinagpalit sa mga asul at dilaw?
Sa hurnuhang ito, ngayo’y nag-aabang
Sa kamay na pipinid sa kasalukuyan,
Tanglaw na bubuo ng kinabukasan.
Ako’y naghihintay, O tagapagligtas!
Ano itong namamasdang lumalapit?
Yaring pagkakuha, dala ba ay langit?
Kahong may laso siyang nagsilbing silid.
Ano kaya ang magiging danasin?
Sa yaring silid, ako ay inilabas.
Mukha ng isang bata, sa aki’y tumambad
Ngunit bakit ganito, ang mukha’y kunot.
Sa ere ay lumipad, semento ang lusot.
Sa papag ngayon ay hapis at pighati.
Inakalang tanglaw, isa palang dilim.
Hapdi’y nadarama tuwing masusulyap
Ang bagong among walang pakialam.
Ngayo’y nasa silid ng mga nilimot.
Sa tabi ay mga larua’t abubot.
Wari’y bumalik sa hurnuhang pinagmulan.
Mas masikip, mas mainit, mas nasasaktan!
At ang amo ay walang ginawa
Kundi maglaro at hindi magbasa.
Anong magagawa ng inayawan
Kundi masadlak sa impyerno’t mamatay?
Panaho’y lumipas, tila walang katapusan.
Tuluyan nang maglalaho sa kadiliman!
Ngunit ano ito? Isang silahis ng araw?
Muling sinilid sa ibang sisidlan.
Hiling ng sariling gula-gulanit na,
Nawa ay balutin ng pagkalinga.
Sana itong bagong tahanan
Ay katulad na ng sa nakaraan!
Isang kabaliwan ang dumagsa sa isip!
Isang kawalan pala ang tunguhin
Kung saan umaalingasaw ang samyo,
At nagsisiliparan ang mga insekto.
Walang duda na ang pag-asa’y lamat na lang.
Hindi na muling makababangon sa kinabagskan.
Ngunit ano itong namamasid na lumalapit?
Sa isang iglap, isang kamay ang sumalat sa akin.
Isang batang wari’y alikabok na malaki,
Punit ang damit, namumutiktik sa dumi.
Ang samyo’y katulad sa aking sisidlan.
O anong habag sa magkaparang kapalaran!
At sa sandaling iyon, ang mundo’y nagbunyi!
Isang aklat at isang gusgusi’y nagsanib.
Ang aklat kailanma’y di na nagpalipat-lipat.
Ang batang kumalinga di na napariwara.
Kinabukasan ay siya ng naisulat.
Ang aklat at bata’y bubuo ng isang bukas
At kasabay ng pagsatitik ng kasaysayan,
Naisusulat ang kapalaran ng sanlibutan!
Tuesday, October 28, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
anu explanation ng tulang to? ahe. matanong lang po. :) gagawhan ko sana ng buod. okay lang ba? :))
Post a Comment